Koneksyon sa Daulah Islamiyah-Maute ng nahuling suspek sa pagpapasabog sa MSU, inaalam na ng AFP

Beneberipika na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung may koneksyon sa Daulah Islamiyah-Maute ang nahuli nilang suspek sa pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, hindi pa nila tiyak kung saang grupo kabilang si Jafar Gamo Sultan, alyas Jaf at kurot.

Si Sultan ay kasabwat ng isang alyas Omar na taong tinukoy ng mga testigo na nagdala ng improvised explosive device sa Dimaporo Gymnasium.


Nabatid na ngayon lang lumutang ang pangalan ni Omar.

Sa unang report kasi ng Philippine National Police, si Kadapi Mimbesa alias engineer ang may dala ng bag na pinaniniwalaang may lamang bomba.

Una nang sinabi ng AFP na ang pagkakahuli kay Sultan ay pagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno na mapanagot ang mga salarin sa tinawag nilang terrorist attack.

Facebook Comments