
Nagpahayag ng pagkabahala ang isang consumer group hinggil sa posibleng paglobo ng mga kaso ng online scams sa ilalim ng Konektadong Pinoy Bill, tinukoy ang mga panganib sa pagpapahintulot sa foreign telecommunications companies na pumasok sa merkado.
Babala ng Konsyumer at Mamamayan (KM), sa kawalan ng mahigpit na pagsusuri, “bad actors could exploit the system, leading to an increase in online scams, phishing schemes, and fraudulent telecommunications services.”
“While internet literacy campaigns provide guidance on protecting against fraud and scams, not all users have the necessary awareness or training to recognize the warning signs,” pahayag ng KM sa isang statement.
Noong Pebrero 5 ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2699, na kilala rin bilang Konektadong Pinoy Bill.
Layon ng panukala na pagaanin ang pagpasok ng service providers sa merkado, isulong ang kompetisyon, at magkaroon ang mga consumer ng mas maraming pagpipilian at abot-kayang internet services.
Ang bill ay kasalukuyang nirerepaso ng bicameral conference committee.
“[E]asing of regulations could make it easy for nefarious elements to penetrate the market under the guise of being telco service providers – but with a different goal in mind,” ayon sa grupo.
Nauna rito, sinabi ni Federation of International Cable TV and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP) national chairperson Estrelita Juliano-Tamano na hindi kinonsulta ng Kongreso ang mga stakeholder hinggil sa panukala.
Giit ni Juliano-Tamano, dapat ay kinonsulta sila dahil sila ang may aktuwal na kaalaman.
Ipinaliwanag din niya na ang pag-apruba sa nasabing bill ay hindi makabubuti sa maliliit na telecommunications companies.