Kongresista, duda sa paraffin test result kay Carl Angelo Arnaiz

Manila, Philippines – Hindi kumbinsido si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na nagpaputok nga ng baril ang 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz na napatay ng pulis Caloocan dahil umano sa pangho-hold up ng isang taxi driver noong Agosto 30.

Ito ay matapos magpositibo sa gun powder nitrate ang kanang kamay ni Arnaiz.

Ayon kay Zarate, maaaring matapos mapatay si Arnaiz ay pinahawak sa kamay nito at pinaputok ng mga pulis ang baril.


Ito aniya ang isa sa dahilan kaya dapat na maimbestigahan na ng Kamara ang insidente.

Iginiit pa ni Zarate na hindi naman maaapektuhan ng resulta ng paraffin test ang inihaing resolusyon ng MAKABAYAN.

Paliwanag ni Zarate, ang paraffin test result na ito ay hindi maituturing na conclusive.

Hindi rin ganoon kabigat na ebidensya sa korte ang resulta ng paraffin test dahil ang nitrate ay maaari ding makita sa ibang substance bukod sa gunpowder.

Ang pagkakaroon ng nitrate substance sa kamay ng biktima ay indikasyon lamang na posibleng nagpaputok ng baril si Carl Angelo pero hindi maituturing na ito nga talaga ang ginawa ng biktima.

Facebook Comments