Hinamon ni House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) Head Contingent at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon si Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na pangalanan ang mga kongresista na umaming inalok ng posisyon at budget ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Giit ni Leachon, makakabuting manahimik na lamang si Villafuerte dahil batid nito sa sarili na pawang kasinungalingan ang kanyang mga akusasyon laban kay Speaker-in-waiting Velasco.
Giit ng kongresista, pangalanan na ngayon ang 20 mambabatas na inalok ni Velasco kaugnay sa nilulutong kudeta laban kay Cayetano.
Kumpyansa si Leachon na hindi totoo ang mga isyung ibinabato ng kampo ni Cayetano laban kay Velasco dahil madalas niyang nakakasama ito at ni-minsan ay walang nangyaring ganoong alok sa mga kongresista.
Ikinagalit din ni Leachon, kay Villafuerte ang pangmamaliit umano nito kay Velasco kapalit ni Cayetano sa Speakership dahil halata namang wala aniya itong alam sa sinasabi.
Pagtatanggol ni Leachon, si Velasco ay nagsimula bilang provincial administrator at umangat sa pagiging kongresista na nasa ikatlong termino na nito dahil nagustuhan ng mga Constituents ang trabahong ginagawa ng mambabatas sa kanilang distrito.
Umaasa si Leachon na masusunod ang smooth-transition ng speakership sa Oktubre at humiling ng suporta sa mga kongresista para sa incoming leadership.