Kongresista, hinamon ang PACC na pangalanan ang mga mambabatas na sangkot sa korapsyon sa DPWH

Hinamon ni Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na tukuyin ang mga kongresista na sangkot sa umano’y korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Defensor, para maging patas at hindi madamay ang buong institusyon ay pangalanan na ni Belgica ang mga mambabatas na sinasabing sabit din sa katiwalian sa ahensya.

Hiniling din ng kongresista kay Belgica na maging maingat sa paglalabas ng statement o pahayag lalo na kung ito ay makaka-apekto sa integridad ng mga kongresista at ng buong Kamara.


Giit ni Defensor, kung patuloy na puro akusasyon lamang ang gagawin ay mahirap ito sa mga kongresistang nadadamay ang pamilya at mga walang kinalaman naman sa korapsyon sa DPWH.

Matatandaang inihayag ni Belgica na may ilang kongresista ang nakikipagsabwatan sa mga public works personnel at project contractors sa mga local projects ng DPWH.

Samantala, kung si Defensor naman ang tatanungin kung iimbestigahan ng kanyang komite ang alegasyon ng korapsyon sa DPWH, mainam aniyang ipaubaya ang pagsisiyasat sa labas ng Kongreso dahil hindi maganda at magiging self-serving kung sila mismo ang mag-iimbestiga sa mga kapwa kongresista.

Facebook Comments