Kongresista, hinikayat ang liderato ng Kamara na mag-break muna sa online at Zoom hearings

Pinagpapahinga muna ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang mga kasamahang kongresista sakaling matapos na aprubahan ang mga nakabinbing panukala para sa COVID-19 response.

Sa liham na ipinadala ni Atienza kay Speaker Alan Peter Cayetano, hinikayat nito ang liderato ng Kamara na madaliin ang approval sa mga panukala na may kinalaman sa medical, economic at financial support sa publiko bunsod ng pandemya.

Pagkatapos nito ay hinimok ng kongresista ang mga miyembro ng Kamara na mag-break muna sa mga isinasagawang Zoom hearings hanggang sa makontrol na ang sitwasyon kaugnay sa COVID-19.


Giit ng kongresista, hindi maayos na maipagpapatuloy ang mga pagdinig sa mga panukala sa pamamagitan ng internet at Zoom meetings lalo sa mga kontrobersyal na panukala tulad ng charter change at death penalty na nangangailangan ng mabusising pagtalakay.

Lalo lamang aniya nailalagay sa panganib ang buhay ng mga empleyado na patuloy na pumapasok sa Mababang Kapulungan at naisasakripisyo ang kalidad ng mga naaaprubahang panukala.

Bukod dito, higit lamang din naipagkakait sa mga mambabatas na makilahok ng maayos sa mga kontrobersyal na panukala dahil sa ilang mga problema sa paggamit ng internet.

Sa kasalukuyan ay 36 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Kamara kung saan apat dito ay mga kongresista.

Facebook Comments