Umapela ang ilang kongresista sa Kamara na atasan na rin ang mga pribadong pharmacy at school clinic sa rollout ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Tinukoy ni ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo na makakatulong sa pagpapabilis ng bakunahan sa bansa partikular sa mga probinsya kung i-ta-tap o gagamitin ng National Task Force (NTF) at Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga botika at klinika sa mga paaralan.
Ayon sa kongresista, ang mga school clinics at pharmacies ay mayroon ding distribution systems, cold storage, at maraming branches sa bansa.
Bukod dito, mayroon kasing sariling doktor, nurses, at iba pang health care professionals ang mga ito na makakatulong sa bakunahan ng pamahalaan.
Inihalimbawa ng mambabatas na sa Estados Unidos ay ginagamit na ang botika at supermarket sa bakunahan laban sa COVID-19 kaya hindi nakapagtataka na mabilis ang vaccine rollout sa kanilang bansa.
Inirekomenda ng lady solon na gamitin ang kahalintulad na “best practices” sa ibang bansa upang maiwasan ang sitwasyon kung saan masasayang at mag-e-expire ang mga bakuna dahil hindi naiturok agad.