Nanawagan si AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin sa pamahalaan na huwag nang hintayin ang buwan ng Hunyo para lang maipatupad ang nalalabing programa sa ilalim ng Bayanihan 2.
Ayon sa mambabatas, dapat ay noong nakaraang taon pa natanggap ng mga apektadong Pilipino ang tulong na nakapaloob sa Bayanihan 2.
Huwag na aniya sanang sagarin hanggang sa itinakdang pagtatapos ng extension ng effectivity ng batas bago maipatupad at magamit ang lahat ng inilaang pondo sa Bayanihan 2.
Isa si Garin sa mga mambabatas na nagtulak na magkaroon ng imbestigasyon sa mabagal na implementasyon at paggugol sa P165 billion Bayanihan 2 fund.
Batay sa pinakahuling report, 73.74% pa lamang sa naturang halaga ang may authorized appropriations, ngunit hindi malinaw kung ito ba ay nai-release at nagamit na.
Mayroon namang nalalabi pang 26% ng pondo na hindi pa authorized o walang tukoy na paggagamitan.
Nauunawaan naman ng mambabatas na hindi madali ang proseso ng paglalabas ng pondo lalo’t naaprubahan ang Bayanihan 2 noong Setyembre ng 2020 at mag-e-expire na sana noong Disyembre 2020, pero pinalawig hanggang Hunyo ngayong taon.