Kongresista, hiniling na magtulungan na lamang para mabayaran ang utang ng bansa

Ipinanawagan ng ilang kongresista na magtulungan na lamang upang malampasan ang malaking pagkakautang ng bansa.

Kaugnay na rin ito sa binitawang pahayag ng Chief Economist ng Department of Finance (DOF) na si Gil Beltran na posible pang tumaas sa ₱2.2 trillion ang utang ng bansa mula sa kasalukuyang ₱13.2 trillion.

Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, hindi niya maitindihan kung ano ang punto ni Beltran gayong una sa lahat, Kongreso din ang nagpasya na ituloy ang uri ng stimulus measures na pinondohan para sa pandemya at kung alin ang hindi dapat ituloy.


Iginiit din ng kongresista na hindi patas na palabasing parang pinagsama-sama ng Kongreso ang mga panukalang batas na makakabawas ng kita o magpapalaki sa paggastos ng pamahalaan at pagdudahan na pinagtibay ang mga panukala na hindi dumadaan sa mabusising deliberasyon.

Hindi aniya dapat kalimutan na ang dalawang komite ng Kamara, ang Ways and Means at Appropriations, ay inalis ang mga tax exemptions at sobrang insentibo sa buwis at inihanay ang mga ito sa tax code upang hindi mabawasan ang kita ng pamahalaan.

Dagdag pa ng mambabatas, nakipagtulungan ang Kongreso sa Department of Finance o DOF para sa reporma sa buwis pati na rin sa planong pagbangon ng ekonomiya.

Pinakikinggan din aniya ng Kongreso ang bawat suhestyon ng ahensya at kung sakaling hindi tanggap ng mga mambabatas ang rekomendasyon ay nakikipagkompromiso o nakikipagkasundo rin ang mga ito.

Facebook Comments