Kongresista, hiniling na payagan ang pisikal na pagdalo sa sesyon ng mas maraming mambabatas

Umapela si Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay na pahintulutan na rin ang pisikal na pagdalo ng mas maraming kongresista sa sesyon ng Kamara.

Ang hiling ng kongresista ay kaugnay na rin ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Para sa mambabatas, mas buhay kasi ang debate sa plenaryo kung mas marami ang mga kongresista na nasa sesyon.


Aminado naman ang kinatawan na nag-iingat lang din ang liderato ng Kamara upang maiwasan ang hawaan, lalo at may mga araw na ang mga kongresista ay umiikot sa kanilang mga distrito.

Una na ring inihayag ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na mas maganda na makadalo muli ang mga mambabatas ng pisikal dahil sa ito na ang huling mga buwan na magkikita sila.

Pagsapit kasi aniya ng Pebrero ng susunod na taon ay tiyak na magiging abala na ang karamihan sa mga kongresista sa pangangampanya.

Facebook Comments