Kongresista, hiniling na payagan na ang full capacity sa mga restaurants para sa mga customers na fully vaccinated

Hiniling ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong na payagan na ang full capacity sa mga restaurants para sa mga customers na nakakumpleto na ng bakuna.

Ayon kay Ong, dapat na payagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga restaurants sa 100% capacity dine-in para sa mga guests na fully vaccinated.

Iminungkahi ng kongresista na maaaring magtakda ng lugar ang mga restaurants na eksklusibo lamang para sa mga customers na kumpleto na ng COVID-19 jabs.


Tinukoy ni Ong na bagama’t nauunawaan naman na ang kalusugan ang pinakaprayoridad ngayon, mahalaga rin na matulungan ang mga business sector na dalawang taon nang pinalubog ng pandemya.

Mahalaga aniyang maumpisahan na pasiglahin muli ang domestic tourism dahil marami sa mga maliliit at mahihirap na munisipalidad ay dependent sa turismo ng kanilang lugar.

Hinihikayat din ni Ong ang mga indibidwal na nabakunahan na manguna sa pag-alalay sa effort ng pamahalaan na buhayin muli ang ekonomiya.

Dagdag pa sa rekomendasyon ng mambabatas na simulan na rin ng mga malls, restaurants, hotels, resorts at iba pang kahalintulad na lugar na tumanggap na rin ng mga fully vaccinated na senior citizens.

Facebook Comments