Kongresista, hiniling na rin sa Ombudsman na sunod na ikaso kay Aquino ang maanomalyang DAP

Manila, Philippines – Maliban sa balak na paghahain ng Office of the Ombudsman ng kaso kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa Mamasapano Massacre ay hiniling ng Bayan Muna sa Kamara na sampahan din ng kaso ang dating Pangulo tungkol sa maanomalyang paggamit ng Disbursement Acceleration Program o DAP.

Matatandaang idineklara noon ng Korte Suprema na unconstitutional ang paggamit ng DAP na ipinamahagi noon sa mga mambabatas sa ilalim ng Aquino administration.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, hinihintay na rin nila ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman laban kay Aquino kaugnay sa DAP at sa iba pang mga kasangkot nito sa paglalabas ng nasabing pondo.


Samantala, sinabi naman ni Zarate na long-overdue na ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman kina Aquino, dating PNP Chief Alan Purisima, at dating SAF Director Getulio Napeñas dahil matagal na dapat naisampa ito.

Sa panig naman ng kampo ni Aquino, sa statement na inilabas ni dating Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inaaaral na ng mga abogado ng dating Presidente ang isinampang kaso ng Ombudsman at plano nilang maghain ng Motion for Reconsideration dito.

Giit ni Valte, nagkaroon ng misappreciation sa mga impormasyon at mali ang mga konklusyon na inilatag sa kaso.

Itinama naman na ng Office of the Ombudsman ang release kanina kung saan pangalan ng dating Senador Benigno Aquino Jr. na ama ng dating Pangulong Aquino ang nakalagay.

Facebook Comments