Hinikayat ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang mga kapwa kongresista na suportahan ang economic at fiscal agenda ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Kasabay nito ang pagkatig ng dating Appropriations Chairman sa ginawang review at evaluation ng economic team ng Marcos administration sa mga programa para sa ekonomiya at pananalapi gayundin ang growth targets mula 2022 hanggang 2028.
Ayon kay Ungab ang update na ito ay makatwirang hakbang para tugunan ang mga hamon sa ekonomiya ng bansa at sa buong mundo na kasalukuyang humaharap pa rin sa epekto ng pandemya at ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Magsisilbi rin itong gabay hindi lamang sa pamahalaan kundi sa mga ekonomista, mga negosyo, at stakeholders para mapabilis ang paglago ng ekonomiya.
Ikinalugod din ng kongresista ang Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) ng Department of Finance (DOF) na pinaniniwalaang mahalaga tungo sa matatag na pagbangon ng ekonomiya.
Para makatulong ang Kongreso sa mga economic agenda ng pangulo ay hinimok ni Ungab ang mga kasamahang mambabatas na pagtibayin ang mga panukalang batas na essential o mahalaga para sa muling pagtataguyod ng ekonomiya, pagdami ng trabaho, paghihikayat sa mga maliliit na negosyo at panukala na makakabawas sa kahirapan ng mga Pilipino.