Umaapela si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF) at sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 na magbigay ng update sa Kongreso hinggil sa COVID-19 projects na pinondohan sa ilalim ng Bayanihan 2.
Nasa kabuuang P140 Billion ang regular appropriations sa ilalim ng Bayanihan 2 at mayroong ding P25 billion na standby fund para sa COVID-19 response.
Kabilang aniya sa mga dapat i-update ng mga ahensya sa Kongreso ang P4.5 billion na inilaan sa pagpapatayo ng Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) bayad sa hotel, pagkain at transportasyon ng COVID-19 response at ang recovery program ng Office of Civil Defense (OCD).
Dagdag pa sa nais mahingan ng update ay ang gastos sa P13.5 billion budget kaugnay sa health related response kasama na ang special risk allowance ng public at private healthcare workers, hazard pay, free life insurance at iba pang benepisyo.
Pinagsusumite rin ni Villafuerte ang DOH ng report kaugnay naman sa nabiling bakuna mula sa P10 billion na pondong inilaan para sa vaccine purchase.
Giit ng kongresista, responsibilidad ng naturang mga ahensya na ibigay sa taumbayan at sa Kongreso ang full account ng paggugol sa nasabing pondo.