Umapela na mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte si Deputy Speaker Rufus Rodriguez na magpatawag na ito ng special session para mapalawig muli ang Bayanihan 2 na mag-e-expire na sa June 30.
Ito ang naging hakbang ng kongresista kahit pa malabong magsagawa ng special session ang Kongreso dahil bukod sa hindi ito napag-usapan sa pulong noong nakaraang linggo sa Malakanyang ay kulang na rin sa panahon.
Giit ni Rodriguez, kailangan mapalawig ang ikalawang Bayanihan Law upang hindi masayang ang nalalabing pondo na hindi pa nagagamit dito.
Hanggang noong nakaraang linggo, mayroon pang P18 billion unobligated funds sa ilalim ng Bayanihan 2.
Ngunit nitong weekend ay nag-abiso ang Department of Budget and Management (DBM) na inilabas na nila ang P9 billion para sa special risk allowance ng mga health workers.
Ibig sabihin, mayroon pang P9 billion ang babalik sa National Treasury oras na mag-expire ang Bayanihan 2 bukas.
Dagdag naman ni Rodriguez, maaaring samantalahin na rin sa naturang special session para pagtibayin ang Bayanihan 3.