Umapela ang Bayan Muna Partylist sa Manila Water at Maynilad na huwag nang singilin ang isang buwang konsumo ng tubig ang mga consumers.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, hindi pa nakakabawi ang publiko sa problemang idinulot ng bill shock ng Meralco, at ngayon ay susundan pa ng water bill shock dahil sa mataas ding singil sa tubig.
Pinatitiyak din nito na bago maningil sa tubig ay dapat nabasa na ang metro ng mga consumers upang tama ang halaga at konsumo na kanilang maitatala sa billing statement.
Giit pa ng kongresista, tulong na lamang ito ng dalawang kompanya lalo na sa mga mahihirap na pamilya na nawalan ng trabaho o naapektuhan ang kita bunsod ng lockdown dahil sa COVID-19.
Pinuna pa nito na napakalaki na ng tubo ng mga water concessionaires sa singil sa tubig sa mga nakalipas na taon kahit pa maraming beses na palpak ang kanilang serbisyo.
Hiniling din ng mambabatas na katulad sa Meralco ay silipin din ng Kamara ang mataas na singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water sa gitna ng nararanasang pandemic.