Kongresista, iginigiit ang refund sa maintenance service ng MRT3

Manila, Philippines – Humihingi ng refund si PBA PL Rep. Jericho Nograles sa Busan Universal Rail Incorporated o BURI na siyang maintenance provider ng MRT3.

Giit ni Nograles, dapat na magdemand ang gobyerno ng refund dahil hindi naman natupad ang obligasyon ng BURI sa ilalim ng maintenance contract.

Napakadalas aniya ng aberya sa MRT3 kahit noong mga dating billing kaya nararapat lamang ang paghingi ng refund sa maintenance.


Pinalagan din ni Nograles ang pagmamadali ni MRT 3 General Manager Rodolfo Garcia sa Department of Transportation na bayaran ang BURI dahil palpak naman ang maintenance sa transport system.

Nagtataka si Nograles kung bakit minamadali ni Garcia ang pagbabayad ng DOTR sa buri samantalang may kuwestyon din sa validity ng maintenance service contract na iginawad ng Aquino administration sa kumpanyang ito.

Aabot sa 35.527 million ang ibabayad sa service maintenance contract ng BURI mula December 2016 hanggang January 2017.

Facebook Comments