Kongresista, iginiit na mas mainam na maging maingat sa pagluwag ng quarantine restrictions

Mas makabubuting maging maingat sa pagluwag sa COVID-19 restrictions kaysa naman muling magkaroon ng pagtaas sa kaso ng mga nagkakasakit.

Ito ang posisyon ni Deputy Speaker Wes Gatchalian matapos na ibasura ng Ehekutibo ang suhestyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) na isasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa sa Marso.

Para kay Gatchalian, mas mainam na pumalya dahil sa sobrang pag-iingat at unahin muna ang kaligtasan ng mga Pilipino.


Paglilinaw naman ng kongresista, suportado niya ang muling pagbubukas ng mga negosyo para sa muling pagsipa ng ekonomiya.

Sa kabilang banda aniya, bagamat nalalapit na ang pagdating ng COVID-19 vaccines sa bansa, hindi naman ginagarantiya ng inoculation sa publiko ang immunity laban sa virus.

Giit ng kongresista, mahalagang matiyak muna ng pamahalaan na stabilize at kontrolado na ang COVID-19 cases sa bansa bago pa man desisyunan ang pagluwag sa quarantine restrictions sa buong bansa.

Facebook Comments