Iginiit ni Committee on People Participation Chairperson at San Jose del Monte Rep. Rida Robes na pagtuunan muna ng pansin ang pagbibigay serbisyo sa sambayanan bago ang usapin ng pagpapalit ng liderato ng Kamara.
Sinabi ni Robes na ang pag-uusap tungkol sa pagpapalit ng house leadership habang tinatalakay ang mga panukala na makatutugon sa epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa ay wala sa panahon o wala sa timing.
Bilang mga kinatawan ng publiko sa Kongreso sinabi ng lady solon na tungkulin nilang matiyak ang pagpasa ng panukalang 2021 budget sa itinakdang panahon.
Pinuri naman ng kongresista ang tandem nila Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez dahil mabilis na naaprubahan ang mga panukala para sa taumbayan kabilang na ang mga legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, naniniwala naman si Bulacan Rep. Jose Antonito Sy-Alvarado na nagkakaisa na ang mayorya ng mga house leaders na suportahan ang pananatili ni Cayetano bilang lider ng Kamara hanggang sa pagtatapos ng 18th Congress.
Sa isinagawa aniyang majority caucus noong isang araw ay inihayag ng mga house leaders na karamihan ay pinuno rin ng mga political parties na nais nilang manatili sa speakership post si Cayetano.