Umaasa si Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Quimbo na mas magbubukas at mas magiging competitive pa ang mga foreign retailer sa bansa.
Ito ay makaraang ratipikahan ng Kamara ang Bicameral Conference Committee report ng panukalang nag-aamyenda sa Retail Trade Law o House Bill No.8672 upang ma-liberalize ang retail sector ng foreign investors sa bansa.
Tinukoy ni Quimbo na sa kabila ng batas na nagtangkang luwagan ang retail market sa mga dayuhan, napakataas naman ng ipinapataw na minimum paid up capital sa mga dayuhan para maging bahagi ng retail market ng bansa.
Aniya, aabot sa $2.5 million ang paid up capital requirement sa mga foreign retailer sa bansa, habang sa mga karatig na bansa sa Asya tulad sa Thailand ay nasa $66,300 habang sa Vietnam ay nasa $10,000 samantalang wala namang ganitong requirement sa Brunei.
Ngunit sa ilalim ng amyenda sa batas, ibinaba na sa P25 million ang paid-up investment para mapayagan ang foreign retail investors na makapasok sa retail market ng bansa at P10 million minimum requirement sa bawat retail store.
Dahil mas magiging liberal na ang foreign investment policy sa bansa, positibo ang pagtingin ng mambabatas na magiging daan ito para matagumpay na ang retail trade liberalization, lumago ang retail sector, at dumami ang oportunidad ng hanapbuhay para sa mga Pilipino.