Tinawag ni Good Government and Public Accountability Chairman Jonathan Sy-Alvarado na nagpapalusot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mabagal na pamamahagi ng ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa pagdinig ng komite, nagpaliwanag si DSWD Undersecretary Danilo Pamonag na kaya mabagal ang implementasyon ng 2nd tranche ng SAP ay dahil hinihintay pa nila ang kumpletong listahan ng mga pangalan mula sa mga Local Government Unit (LGU).
Iginiit ni Alvarado na nagpapalusot ang ahensya dahil mandato ng DSWD na ipamahagi sa pinakamabilis na paraan ang SAP, pero hanggang ngayon ay pangalan pa rin ng mga beneficiaries ang kanilang problema.
Sinabi naman dito ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na hindi na dapat pinoproblema ang listahan ng SAP dahil maaari namang pagbatayan ang naunang listahan mula sa first tranche ng financial assistance.
Sinita rin ni Villafuerte ang pamimili na ginagawa ng ahensya sa bibigyan ng ayuda dahil malinaw sa Bayanihan Law na 18 million na mahihirap na pamilya ang dapat na mabigyan ng tulong mula sa pamahalaan.
Natukoy sa pagdinig na sa 16.5 million na target beneficiaries ng 2nd tranche ng SAP, hindi pa rin nadagdagan ang 1.3 million na nabigyan ng tulong kung saan sa bilang na ito 90% ay mga 4Ps beneficiaries na may cash cards.
Paliwanag naman dito ni DSWD Secretary Rolando Bautista, may ilang LGUs pa rin kasi ang hindi nakakapagsumite ng kanilang liquidation reports at nagsasagawa rin sila ng deduplication sa listahan ng mga benepisyaryo ng SAP upang matiyak na hindi magdodoble ang maibibigay na ayuda.
Aabot kasi aniya sa 48,000 na beneficiaries sa 1st tranche ng SAP ang nakatanggap ng dobleng ayuda mula sa gobyerno, tulad ng emergency cash subsidy sa DSWD, at iba pang financail aid mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) at Social Security System (SSS).