Inirekomenda ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda kay Pangulong Duterte ang paghiling ng special powers para matulungan ang mga magsasaka na apektado ng Rice Tariffication Law (RTL).
Isa ang pag-hiling ng special powers sa tatlong opsyon na inirekomenda ni Salceda para maibsan ang negatibong epekto ng batas sa mga mag-sasaka.
Ayon kay Salceda, isa sa mga option ay ang paghiling ni Pangulong Duterte sa Kongreso ng special powers para maipatupad ang mga quantitative restrictions na inalis sa batas para matigil na ang pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa rice liberalization.
Pangalawa ay maaaring ipilit ng gobyerno ang Republic Act 8800 o ang Safeguards Law para maipatupad ang 30% hanggang 80% na buwis sa mga imported na bigas na higit sa 350,000 metric tons.
Pangatlong option aniya ng pamahalaan para matulungan ang mga local farmers ay ang pagbibigay ng pondo sa mga mahihirap at maliliit na magsasaka at pagpapautang sa mga big rice farmers.
Tinatayang aabot sa 2.1 million na mga magsasaka ang makikinabang sa benepisyong ito.
Tinukoy naman ni Salceda na ang biglang pagtaas ng volume ng imported rice sa bansa na sinabayan din ng mataas na ani bunsod ng harvest season ang dahilan sa biglang pagkalugi at pagbaba ng presyo ng palay na binibili sa mga mags-asaka.