Kongresista, inirekomenda ang pagsasagawa na lamang ng “virtual session” para tugunan at ipasa ang mga panukala laban sa COVID-19

Iminungkahi ni Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez na magsagawa na lamang ng “virtual session” ang mga kongresista para talakayin ang mga panukala na may kinalaman sa COVID-19.

Hirit ni Rodriguez sa mga kapwa mambabatas na mainam sa panahon ng mabilis na pagkalat ng coronavirus na magconvene ang Kamara at Senado sa pamamagitan ng video-teleconferencing kung saan gagamit na lamang ng teknolohiya sa pagsasagawa ng special session na hindi kailangang pisikal na pumunta sa Kongreso.

Bukod dito, ang kanyang mungkahi ay isang paraan na rin sa pagtalima sa direktiba ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa mass gathering ngayong pinapairal ang community quarantine.


Maaari, aniyang, mag-set up ang dalawang Kapulungan ng Kongreso ng isang infrastructure para sa “virtual o online session”.

Maliban sa itinuturing na mass gathering ang pagsasagawa ng special session ng 300 kongresista, marami na sa mga mambabatas din na nasa mga distrito sa mga probinsya ang hindi na makakapasok ng Metro Manila.

Ito, aniya, ang posibleng solusyon na may kaakibat na pagiingat para maituloy ng mga mambabatas ang pagapruba sa mga panukala na hindi na dapat paabutin ng pagbabalik sesyon sa Mayo 4.

Ilan sa mga dapat na ipasa ngayon ng Kongreso ay ang ₱1.6 Billion na supplemental budget ng Department of Health para sa COVID-19 at tatalakayin din ang stimulus package para sa mga distressed workers na maaapektuhan ng lockdown.

Facebook Comments