Tiniyak ni Appropriations Vice Chairman Joey Salceda na maaaring kumilos ang Kamara para mapondohan ang pisikal na pagbabalik sa klase ng mga mag-aaral.
Mula sa Plenary deliberation para sa mahigit limang trilyong pisong pambansang budget sa 2022, nausisa ni Marikina Rep. Stella Quimbo kung ang P99 billion COVID-19 response budget ng Department of Education (DepEd) ay sakop ang transition para sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Sa pondong ito, P15 billion ang nakalaan para sa online classes.
Agad namang inamin ni Salceda sa interpelasyon ni Quimbo na hindi nga kasama sa DepEd COVID-19 response budget ang pondo para sa posibilidad ng ligtas na pagbabalik ng mga estudyante sa mga paaralan.
Paliwanag ni Salceda, binuo ang proposed budget na risk averse o tutol sa banta na maaaring idulot ng physical classes.
Pero tiniyak naman ng kongresista na maaari namang magpanukala ng supplemental budget ang Kongreso sa oras na magtuloy-tuloy na ang pagbabalik face-to-face classes.