Dumipensa si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., kaugnay sa mabilis na pag-usad ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Kasabay ito ng puna ng ilan na may oras ang Kamara na atupagin ang reklamo ng pagpapatalsik laban sa Associate Justice gayong nasa gitna ng pandemiya ang bansa.
Ayon kay Garbin, mayroong “ministerial duty” si House Speaker Lord Allan Velasco na aksyunan ang mga inihahain sa Kamara kabilang na rito ang anumang impeachment complaint.
Katwiran pa ng kongresista, sumusunod lamang din ang Kamara sa “rules” na kailangang mai-kalendaryo ang reklamo at maisalang sa pagtalakay ng House Justice Committee.
Batay naman sa schedule ng Kamara, sa May 27 o sa darating na Huwebes sa ganap na alas 9:30 ng umaga itinakda ang unang pagdinig sa impeachment complaint laban kay Leonen sa Justice Committee na pinamumunuan ni retired Court of Appeals Justice at ngayo’y Leyte Rep. Vicente Veloso.
Bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19, gagawin ang pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing.