Isinusulong ng isang kongresista sa Kamara na gawing accessible at libre ang COVID-19 testing at vaccination sa buong bansa.
Sa ilalim ng House Bill 8232 na inihain ni Parañaque Rep. Joy Myra Tambunting, layon ng panukala na bigyan ng libreng access sa COVID-19 testing at COVID-19 vaccines ang mga Pilipino.
Naniniwala ang kongresista na kailangang madaling makuha ng mga Pilipino ang dalawang serbisyo kung nais ng gobyerno na matigil ang pandemya.
Binigyang diin pa ni Tambunting na napakahalaga ng testing para sa paglaban ng bansa sa COVID-19 pero ang mga RT-PCR swab test ay nananatiling napakamahal para sa ordinaryong mamamayan sa kabila ng price cap na itinatakda dito ng pamahalaan.
Kailangan na aniyang i-subsidize ng gobyerno ang testing at vaccination nang sa gayon ay makita talaga kung nasaang yugto na ang bansa sa laban sa pandemya.
Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng maagang paghahanda sa komprehensibong plano para sa pagbabakuna upang matukoy kung paano ma-maximize ang epekto ng vaccine sa pagpapabagal ng transmission o hawaan ng sakit.