Kongresista, isinusulong ang 30% na tapyas sa 2020 budget para pandagdag sa pondo ng COVID-19 response at iba pang financial assistance

Isinusulong ni House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor na tapyasan ng 30% ang budget ngayong taon sa non-essential items at expenses.

Inirekomenda ni Defensor ang budget cut sa P4.1-trillion 2020 national budget na layong makalikom ng pondo para sa COVID-19 response at Social Amelioration Program (SAP).

Partikular na pinatatapyasan ng budget sa 2020 ang non-essential expenditures sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na aabot sa P1.6-trillion.


Kabilang dito ang pondo sa travel na nasa P19.4-billion; training at scholarship, P32.9-billion; supplies and materials, P108.3-billion; at representation o dining out and entertainment para sa mga opisyal at bisita na nasa P5.2-billion.

Kung pagbibigyan aniya ng Department of Budget and Management (DBM) ang across the board reduction sa MOOE, maaaring makakolekta ang gobyerno ng P480-billion na ilalaan para sa mga panukala sa COVID-19 at financial assistance sa mga mahihirap.

Nauna nang nanawagan noon ng 20% na tapyas sa 2020 budget ang kongresista para sa COVID-19 response pero 10% lamang ang ibinawas dito ng DBM.

Facebook Comments