Isinusulong ni House Committee on People Participation Chairman at San Jose del Monte City Representative Florida Robes na gawing ‘production hub’ ng Russian COVID-19 vaccine ang Pilipinas.
Sa pakikipagpulong ni Robes kay Russian Ambassador Igor Khovaev, sinabi sa kaniya ng Ambassador na tanging ang bansa lamang sa buong mundo ang itinutulak ng Russia na magkaroon ng partnership sa produksyon ng Sputnik V.
Ayon kay Robes, ang inaalok na joint partnership ng Russia sa Pilipinas ay makatutulong para mas lalong abot-kaya ang COVID-19 vaccines sa mga Pilipino gayundin ay makatutulong ito sa pagpapaunlad ng kaalaman at kadalubhasaan ng ating mga scientist para makalikha rin ng bakuna sa iba pang sakit.
Bukod dito, committed din ang Russia para sa long-term at robust strategic partnership sa bansa kung saan ito ay magiging kapaki-pakinabang para sa mga Pilipino sa hinaharap.
Sa kasalukuyan ay nasa phase 1 at phase 2 clinical trials ang Sputnik V kung saan inaalam ang safety o kaligtasan ng bakuna sa pangunguna ng Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST) at Russian Direct Investment Fund.