Humiling si House Ways and Means Committee Chair at Albay Rep. Joey Salceda kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag na ng dalawang linggong special session bago magsine die adjournment ng 1st regular session ng 18th Congress ngayong June 3.
Naniniwala si Salceda na ito ang solusyon sakaling mabigong maipasa ng Kamara at ng Senado ang mga recovery measures na layong isalba ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19.
Ilan sa mga nakalinyang maaprubahan ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act na dating tinatawag na Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) na layong pababain ang corporate income tax upang mas makaengganyo ng mas maraming mamumuhunan sa bansa.
Tinukoy ni Salceda na $12 billion foreign investments na ang nawawala sa bansa mula nang matigil ang lahat ng negosyo at trabaho bunsod ng COVID-19.
Bukas naman inaasahan na maipapasa sa 2nd reading at 3rd reading sa Huwebes ang P1.3-trillion Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) na dating Philippine Economic Stimulus Act o PESA na layunin namang mapanatili ang kabuhayan ng nasa 30 milyong manggagawa na kabilang sa Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs), agriculture, tourism, transportation, free-lancers at self-employed.
Kinakailangan aniyang maipasa nila ang naturang mga panukala ng hindi lalagpas sa buwan ng Hunyo upang maramdaman pa ang benepisyo nito sa 2nd half ng taon.