Tiwala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na pagtitibayin na ng Senado at Kamara ang panukalang pagbuhay muli sa parusang kamatayan bago matapos ang 18th Congress.
Naniniwala si Barbers na isa sa mga nagsusulong sa death penalty bill na uusad na ang panukala lalo ngayong lumakas ang panawagan kasunod ng insidente ng pamamaril at pagpatay ng police officer sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Ayon sa kongresista, maraming senador at kongresista ang nagsalita na para suportahan ang panawagan ng Pangulo na ibalik ang capital punishment.
Dating inaprubahan ng Kamara ang death penalty bill noong 17th Congress pero hindi ito inaksyunan ng Senado.
Samantala, sinabi ni Barbers na hindi dapat isisi kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga insidente ng pang-aabuso na kinasasangkutan ng mga pulis dahil wala namang utos ang Presidente sa mga law enforcers na gumawa ng krimen.