Tiwala si Deputy Speaker at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II na kung ang Kamara ang masusunod at magdedesisyon ay mas gugustuhin nila na manatili sa kanyang pwesto si Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Gonzales, naipakita ni Cayetano sa mga kongresista ang kalibre nito sa pagiging lider.
Bukod dito, hasang-hasa na sa kanyang political experience si Cayetano mula sa pagsisimula nito bilang konsehal, kongresista, senador at naging kalihim pa ng Foreign Affairs.
Ang pagkakaroon din umano ng familiarity ni Cayetano sa mga senador at sa mga cabinet secretaries ang nagbigay ng advantage sa Kamara para maging maayos ang kanilang pakikipag-ugnayan at maging mabilis ang pag-apruba sa mga legislative measures.
Pero kung may makapagpapabigat man sa desisyon ng mga kongresista na panatilihin sa kanyang Speakership post si Cayetano, ito ay dahil epektibo at mabilis na naihatid ng Kamara ang mga kinakailangang ipasang panukala laban sa global pandemic na COVID-19 at nagagawa nang maayos ng mga kongresista ang iba pa nilang trabaho kahit pa noong una ay naapektuhan din sila ng pandemya.