Kongresista, may apela kay President-elect BBM kaugnay sa susunod na iuupong CHED chairman

Umapela si Cavite Rep. Elpidio Barzaga kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magtalaga ng susunod na Commission on Higher Education (CHED) chairman na nalalaman ang tunay na pangangailangan at sitwasyon hanggang sa pinakamababang antas.

Ang hirit ng kongresista ay kasunod ng patuloy na pagtutol at hindi pag-aksyon ni CHED Chairman J. Prospero “Popoy” de Vera III sa matagal na niyang hiling na alisin ng ahensya ang halos 12 taong ban sa mga bagong nursing program sa bansa.

Punto ni Barzaga, napapanahon na para alisin ng CHED ang ban sa mga nursing programs dahil nasa panahon pa rin ng pandemya ang bansa at mahigpit pa rin ang pangangailangan sa mga nurses at health workers para tugunan ang krisis sa kalusugan.


Giit pa ng mambabatas, ang katigasan ng CHED ay nakakasakit na sa bansa bukod pa sa hindi mo aakalain ang pagmamaliit ng ahensya sa sitwasyon.

Kaya naman, apela ni Barzaga na ang susunod na itatalaga ni President-elect BBM sa CHED ay ang may mga katangian na wala si De Vera.

Kaugnay rito, isa ang Kolehiyo ng Lungsod ng Dasmariñas sa mga paaralan na pinagkakaitan ng CHED ng mga bagong nursing program na makakatulong sana para mapalawak ang workforce ng bansa na nahaharap pa rin sa pandemya at paghahanda na rin sa mga health emergency sa hinaharap.

Facebook Comments