Ngayong araw na ipinagdiriwang ang World Press Freedom Day ay nagpaalala si ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran sa mga mamamahayag na ipagpatuloy lang ang pagiging responsable sa pag-uulat.
Ayon kay Taduran, batid niya ang mga limitasyon at hamon na kinakaharap ng mga taga-media lalo na sa pagharap sa iba’t ibang panganib tulad ng COVID-19.
Tinukoy ng kongresista na marami sa mga mamamahayag ang nabawasan ng sweldo, nadagdagan ang oras ng trabaho at kawalan ng benepisyong magbibigay proteksyon sa kalusugan.
Subalit sa kabila ng mga hamon ay patuloy pa rin ang mga mamamahayag sa pagsisilbi sa publiko.
Dahil dito ay pinuri at kinilala ni Taduran ang mga mamamahayag sa matapang na paghahatid ng impormasyon sa gitna ng pandemya.
Paalala ng mambababatas, magsilbi aniyang gabay sa media ang tema ng selebrasyon ngayong taon na “information as a public good” para sa paghahatid ng tapat, totoo at makatutulong na mga impormasyon.
Mababatid na si Taduran ang may akda ng Media Workers Welfare Bill na pinagtibay na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.