Kongresista, muling kinalampag ang NTF na isama sa prayoridad ng vaccine rollout ang lahat ng mga barangay worker

Muling umapela si Deputy Speaker Benny Abante sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 na isama sa prayoridad ng vaccine rollout ang mga barangay worker.

Nitong March 25 ay lumiham si Abante kay NTF Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr., para hilingin na isama ng gobyerno sa A4 category list ang mga barangay kagawad, tanod, at Sangguniang Kabataan official.

Pero sa kasalukuyan ay tanging mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs), mga barangay official na may edad 60 pataas at barangay worker na may comorbidities ang kasama sa priority groups.


Iginiit ni Abante na ang mga barangay worker na gumaganap sa frontline service ay mga essential worker din.

Binigyang-diin ng kongresista na ang mga barangay personnel ay madalas nahaharap sa panganib ng COVID-19 dahil sila ang mga tumutulong sa mga local health officer partikular sa contact tracing, pag-monitor sa mga COVID-19 patients, paghahatid ng ayuda sa mga bahay-bahay, tumutulong sa hospitalization ng COVID cases sa kanilang lugar at siya ring nagpapatupad ng curfew sa gabi.

Tinukoy pa ng mambabatas na bukod sa pagganap na essential worker ay wala ring dagdag na kompensasyon o bayad sa mga ito.

Facebook Comments