Tinatayang nasa 23% pa ng senior citizens sa bansa ang hindi pa rin nababakunahan laban sa COVID-19.
Dahil dito, muling nabahala ang ilang kongresista sa sitwasyon ng mga nakatatanda dahil sa muling pagtaas nanaman ng kaso ng sakit at posibleng pagkahawa ng mga ito dahil sa kawalan ng proteksyon.
Ayon kay Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes, may mga nasa A2 population o senior citizens ang hindi pa nakatatanggap ng primary doses o hindi naman kaya ay wala pang booster vaccination.
Kinalampag ng kongresista ang Department of Health (DOH) at Local Government Units (LGUs) na hikayatin ang iba pang senior citizens na magpabakuna laban sa COVID-19.
Samantala, welcome naman kay Ordanes ang desisyon ng DOH na payagan na ang booster vaccination para sa 5 hanggang 17 taong gulang gamit ang bakunang Pfizer.
Bunsod aniya nito ay mas makakampante ang loob ng mga lolo’t lola kung may booster shot na ang kanilang mga apo bago ang face-to-face classes simula sa buwan ng Agosto.