Nagbanta si ACT-Teachers Partylist Representative France Castro na posibleng mauwi sa mabilis na hawaan ng COVID-19 ang nalalapit na pasukan sa Agosto 24, 2020.
Ayon kay Castro, kung patuloy na babalewalain ng Department of Education (DepEd) ang demands ng mga guro, mga non-teaching personnel at mga magulang ay tiyak na magiging dahilan pa ito sa patuloy na pagtaas ng ‘transmission’ ng virus.
Giit ng kongresista, ang mga guro ay frontliners din sa paghahatid ng edukasyon sa mga kabataan kaya dapat tinitiyak ng pamahalaan na may suplay ang mga ito ng Personal Protective Equipment (PPE) lalo na sa planong pagbabahay-bahay para lamang maihatid ang mga learning modules.
Humihirit din ang mambabatas ng ligtas na transportasyon at bigyan ng passes para sa checkpoints ang mga guro upang hindi mahirapan sa kanilang pupuntahan.
Nagbabala si Castro na kung walang kaukulang proteksyon na maibibigay sa mga guro laban sa COVID-19, ay tiyak na marami ang magkakasakit at mauuwi rin sa paghinto sa pag-aaral ang mga estudyante dahil magkukulang ang bilang ng mga guro.
Dagdag pa ng kongresista, sa parehong aspeto ng kahandaan sa pasukan at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga guro ay hindi talaga handa dito ang DepEd.