Kongresista, nagbantang ipaaaresto na si Pharmally executive Krizle Grace Mago kapag hindi humarap sa susunod na pagdinig ng Kamara

Nagbanta si Good Government and Public Accountability Vice Chair Johnny Pimentel na mapipilitan ang Kamara na ipaaaresto si Pharmally Pharmaceutical Corporation Executive Krizle Grace Mago kung hindi dadalo sa susunod na pagdinig ng komite kaugnay sa mga biniling medical supplies ng pamahalaan sa kompanya.

Ito ang pahayag ni Pimentel isang araw pagkatapos na maglabas ang Kamara ng subpoena kay Mago para mapilitan itong humarap sa moto proprio investigation.

Paglilinaw ni Pimentel, wala pa silang i-i-isyu na warrant of arrest laban sa Pharmally Executive pero sakaling dedmahin ni Mago ang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ay mapipilitan na silang ipa-aresto ito.


Magkagayunman, hindi pa rin ma-contact o ma-trace kung nasaan si Mago kaya’t hindi pa tiyak kung natanggap na ba nito ang subpoena ad testificandum mula sa Kamara.

Iginiit ni Pimentel na mahalagang mapaharap si Mago upang mabigyang linaw ang isyu sa umano’y tampering sa expiration date ng mga face shields.

Kahapon, ay nakatanggap naman ang Senado ng isang statement mula umano kay Mago na nagpapaliwanag na hindi siya nawawala o nagtatago.

Nakasaad pa sa ipinadalang statement na kinailangan niyang iproseso ang lahat ng mga nangyayari matapos makaramdam ng pressure sa pagharap niya sa imbestigasyon ng Senado.

Facebook Comments