Umaapela si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes na agad tulungan ng pamahalaan ang Philippine General Hospital (PGH) matapos na matupok ng sunog ang ikatlong palapag ng pagamutan.
Sa inihaing House Resolution 1767 ni Ordanes, partikular na nananawagan ito sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Finance (DOF) at iba pang ahensya ng gobyerno na agad mabigyan ng tulong ang PGH.
Kabilang sa kinakailangang assistance ng PGH ay ang pondo, mga personnel, imprastraktura, equipment at medical supplies at iba pang assistance at kagamitan na kailangan ng ospital para maibalik ang buong operasyon nito.
Tinukoy ni Ordanes na dahil sa nangyaring sunog sa PGH ay nagkaroon ito ng ‘significant blow’ o malaking epekto sa operasyon at mga hakbang kontra COVID-19 ng ospital.
Kailangang-kailangan aniya ngayon ng PGH ng tulong upang maipagpatuloy ang full operations at makapag-serbisyo sa publiko.
Ang PGH ay isa sa mga pangunahing ospital sa bansa na takbuhan at nakatutok sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.