Kongresista, nainsulto sa paratang na "rape" laban sa mga sundalong nakikipagbakbakan sa Marawi

Manila, Philippines – Tinawag na insulto ni Magdalo Rep. Gary Alejano sa mga pulis at sundalong nagbubuwis ng buhay sa gyera sa Marawi ang bintang na may banta ng panggagahasa mula sa mga government troops.

Ayon kay Alejano, ang alegasyon ng makakaliwang grupo na binabantaan ang mga kababaihan at kabataan ng Marawi na gagahasain ng mga sundalo ay pawang insensitive, kasinungalingan at double-standard na akusasyon.

Ang paninira at malisyosong akusasyon ay hindi man lamang inisip ang sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng sundalo laban sa mga teroristang grupo na Maute.


Aniya layon lamang ng mga makakaliwang grupo na dungisan ang imahe ng mga pulis at sundalo sa mga taga Marawi gayong ang tunay na nanamantala ay ang mga terorista na may bihag na mga kababaihan na sinasabing ginawang sex slave ng Maute.

Pinatitiyak naman ng mambabatas sa AFP na kung sakaling may sundalong nagmalabis ay dapat na maparusahan.

Kinukwestyon ngayon ni Alejano ang mga makakaliwang grupo na nagbubulagbulagan at nananahimik sa mga ginagawa ng mga rebelde ng grupo ng NPA na marami na aniyang ginawang pang-aabuso sa mga inosenteng sibilyan at pagpatay sa mga sundalo at pulis.

Facebook Comments