Manila, Philippines – Nakiusap si Ifugao Cong. Teddy Baguilat kay Pangulong Duterte na huwag namang idaan sa brasuhan ang pagsusulong nito ng tax reform for acceleration and inclusion o train bill.
Ayon kay Baguilat, dapat respetuhin ng pangulo ang independence ng buong kongreso bilang co-equal branch ng ehekutibo.
Kung ang kamara anya ay halos naging rubberstamp nang Malakanyang, dapat na bigyan ang senado ng tamang pagtrato at pagkakataon na talakayin ang tax reform.
Malinaw na ginagamit na umano ng pangulo ang political capital nito para makuha ang gusto sa kongreso.
Sa kamara ay nakalusot ang tax reform bill habang sa senado naman ay nakabinbin pa rin ito at hindi umuusad sa komite.
Ginawa ni Baguilat ang panawagan matapos bantaan ng pangulo si Senate Ways and Means Committee Chairman Sonny Angara na siya na ngayong tumatalakay sa tax measure matapos maipasa ng kamara.