Kongresista, nakiusap na huwag haluan ng “political fanfare” ang COVID-19 vaccine roll out

Umaapela si House Committee on Metro Manila Development Chairman (MMDA) Manuel Lopez na ipatupad ang COVID-19 vaccine roll out sa ating bansa na walang halong “political fanfare.”

Iginiit ni Lopez na dapat mahigpit na sundin ang “prioritization” sa pagbabakuna batay na rin sa itinatakda ng World Health Organization (WHO) at ng gobyerno.

Ibig sabihin, dapat na mauna pa rin ang mga frontline medical workers na isinasangkalan ang buhay at kalusugan para makatugon at makapagserbisyo sa gitna ng pandemya.


Paglilinaw naman ni Lopez, walang masama kung naturukan na ang mga opisyal ng gobyerno na kasama sa vaccine roll out, lalo na kung makakatulong ito para mahimok ang publiko na huwag matakot sa pagpapabakuna.

Ngunit paalala ni Lopez, kung ang nasabing programa ay gagamitin sa kapakanan ng sariling “PR” o pagbubuhat ng imahe, ito ay maling-mali at huwag nang tangkaing gawin.

Mahalaga aniyang laging isaalang-alang ng pamahalaan ang ikabubuti ng nakararaming Pilipino lalo’t nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.

Facebook Comments