Umaapela si Assistant Majority Leader Precious Hipolito-Castelo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na makinig naman sa mga health experts kaugnay sa panganib na maaaring dala ng pagbubukas ng mga sinehan, arcade at amusement centers.
Ayon kay Castelo, ikonsidera muna dapat ng IATF ang pagpapaliban sa pagbubukas lalo na ng mga sinehan hanggang sa maabot na ng bansa ang herd immunity.
Kung sakali aniya na mabakunahan na ng COVID-19 ang 60 hanggang 70% na mga Pilipino ay maaari nang ikonsidera ang muling pagbubukas ng mga sinehan at mga amusement centers.
Paliwanag ni Castelo, mataas ang antas ng panganib na maaaring dala ng pagbubukas ng movie houses lalo ngayong may mga COVID-19 variant na mas agresibo at madaling makahawa tulad ng UK at South African variant.
Inihalimbawa pa ng lady solon na ang isang moviegoer na infected ng virus ay mas madaling makahawa sa mga enclosed spaces dahil ilang oras din ang itinatagal ng mga tao sa loob ng sinehan.
Dagdag ni Castelo, mas mainam ang mas maraming buhay na maliligtas kumpara sa kikitain na pwede namang bawiin sa oras na makamit na ang herd immunity sa bansa.