Nanawagan si Magdalo Partylist Representative Manuel Cabochan sa pamahalaan na magsagawa ng patas na imbestigasyon sa apat na sundalo na nasawi sa ‘shooting incident’ sa Jolo, Sulu.
Kasabay nito ang pagkundina ng mambabatas sa ginawang pagpaslang ng mga pulis sa mga sundalo na aniya’y nakakabahala dahil kung nagawa ito sa mga alagad ng pamahalaan ay higit lalong magagawa ito sa mga sibilyan.
Ayon kay Cabochan, nakikiisa siya sa panawagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng independent at impartial investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpatay ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Sulu sa apat na Army intelligence.
Hiniling din ng kongresista na agad papanagutin sa batas ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa mga sundalo.
Sinabi pa ng mambabatas na sa nangyaring insidente ay tila mabilis ang mga pulis sa pagbunot at pagpapaputok ng baril, pero malaki naman ang kawalan sa pagkakaroon ng ‘careful judgement’.
Umaasa rin ang kongresista na sa huli ay malalaman ang totoo at mabibigyang hustisya ang mga pamilyang naiwan ng apat na mga sundalo.