Kongresista, nanawagan na rin ng pagtatalaga ng mga designated COVID-19 hospitals sa Visayas at Mindanao

Hinihikayat ni dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Representative Janette Garin ang Department of Health (DOH) na mag-takda na rin ng mga ospital sa Visayas at Mindanao na ilalaan lamang para sa mga COVID-19 patients.

Ito ay matapos na ginawa ng DOH bilang designated COVID-19 hospitals ang Philippine General Hospital (PGH) at Jose Rodriguez Memorial (Tala) hospital sa gitna nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus.

Ayon kay Garin, dapat na magkaroon na rin ng designated hospitals sa Visayas at Mindanao tulad ng pag-co-convert sa mga Sanitarium Hospitals bilang General Hospitals.


Iginiit ng Lady Solon na dapat maagapan ang tuluyang pagdami naman ng COVID-19 cases sa probinsya.

Kabilang sa mga sanitarium hospitals na maaaring gawing designated hospital para sa COVID-19 ay ang Bicol Sanitarium, West Visayas Sanitarium, Culion Hospital Palawan, Eversly Hospital Cebu, Mindanao Central Sanitarium, Sulu Sanitarium, Cotabato Sanitarium, gayundin ang Labuan Public Hospital at Zamboanga Schistomiasis Hospital.

Ang mga pasyente naman sa mga ospital na ito ay ipinalilipat muna sa DOH Regional Hospitals upang hindi mahawaan ng coronavirus.

Facebook Comments