Manila, Philippines – Nanawagan na rin si Quezon City Rep. Alfred Vargas na pansamantalang ipatigil ang operasyon ng MRT3.
Ito ay para lubos na makumpuni ang MRT3 na palagi na lamang nagkakaroon ng aberya at upang matiyak na hindi na maglalagay sa peligro ang buhay ng mga pasahero.
Ayon kay Vargas, hindi pwedeng ipagwalang bahala ang kaligtasan ng nasa kalahating milyong pasahero ng MRT kada araw.
Dahil dito, ang pagsuspinde sa operasyon ng MRT3 ang tanging paraan na nakikita para lubos na maayos ang lahat ng sira ng tren.
Para naman sa mga pasaherong sa tren umaasa ng mabilis na pagbyahe, hiniling ng kongresista sa DOTR at MMDA na bigyan ng solong lane sa EDSA ang point to point buses.
Pwede aniyang maglagay ng counterflow zipper lane sa EDSA para lamang sa P2P bus lalo na tuwing rush hours upang makapasok ng maayos ang mga empleyado.