Hinihimok ni Deputy Minority Leader at Marikina Representative Bayani Fernando ang Department of Education (DepEd) at sa mga paaralan na ipagamit ang kanilang mga pasilidad para sa mga pasyente na may COVID-19.
Ayon kay Fernando, ang mga pampublikong eskwelahan lalo na sa Metro Manila ay maaaring gamitin para sa mga pasyente na asymptomatic o walang nararamdamang sintomas.
Paliwanag ng kongresista makakatulong ang pagpapagamit sa pasilidad ng mga paaralan para ang mga ospital ay nakatutok sa mga pasyenteng kritikal.
Aniya, mayroong nasa isang milyong silid-aralan sa buong bansa at ang mga ito ay mayroong electric fan, palikuran at iba pang gamit na uubra na pansamantalang isolation facility sa mga pasyenteng may mild cases hanggang sa sila ay gumaling.
Nag-anunsyo na ang maraming mga ospital sa Metro Manila na nasa critical level na ang occupancy rate o napupuno na ang bed capacity nila para sa COVID-19 patients at mga dumarating na bagong kaso.