Mariing kinondena ni OFW Party-list Rep. Marissa del Mar Magsino ang nangyaring pag-hijack sa Portugese container ship na MSC Aries sa Strait of Hormuz kung saan kasama ang apat na Pilipinong marino.
Bunsod nito ay muling nanawagan si Magsino sa United Nations (UN), lalo na sa Security Council na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga rutang ito na siyang nakalaang baybayin sa pandaigdigang pangkalakalan.
Diin ni Magsino, napapadalas at mas mapangahas ang mga nagiging pag-atake at malamang ay hindi ito ang huling insidente kaya’t hindi ito dapat ipagsawalang-kibo ng UN.
Tiniyak naman ni Magsino ang pagtutok dito at pagkikipag-ugnayan ng OFW Party-list sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng agarang aksyon ang insidente at ligtas na makapiling muli ng mga Filipino seafarers ang kanilang pamilya.