Kongresista , pinaaayos muna ang serbisyo ng PCSO bago ang hirit na alisan sila ng buwis

Bumwelta si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa hirit ng Philippine Charity Sweepstakes Office na alisin na ang kanilang tax obligations sa gobyerno.

Sa halip na tanggalin ang pagbabayad ng tax ng PCSO, ayusin muna dapat ng tanggapan ang sistema sa paghahatid ng serbisyo mula sa simpleng pagpoproseso hanggang sa pagtukoy ng mga mahihirap na pasyente.

Hirit ni Salceda, kapag binusisi ang profiles ng mga pasyente, lalabas na mas marami pa ang non-indigents na tinutulungan ng revenue agency.


Dapat aniyang inaasikaso ng PCSO ay individual medical assistance pero hindi ito ang nangyayari.

Paliwanag ni Salceda, hindi rin kasama sa tagapagpatupad ng Universal Health Care Law ang PCSO kundi isa lang ito sa pinagkukunan ng pondo kapag kulang ang alokasyon sa PhilHealth, local government units at Department of Health.

Nitong 2018 ay tumaas sa 26.3 billion pesos ang naipamahagi ng PCSO o katumbas ng 50.3 percent increase kung saan kasama na rito ang 16.9 billion pesos na binayarang buwis.

Facebook Comments