Kongresista, pinabubuksan na ang ekonomiya

Umaapela si Marikina Rep. Stella Quimbo na buksan na ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng pagpapalawig pa ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.

Ang panawagan ng kongresista na buksan ang ekonomiya ay bunsod na rin ng naitalang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin nitong Agosto at ang pinakahuling naitalang inflation rate na 4.9% na itinuturong dahilan ng mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain tulad ng karneng baboy, isda at mga gulay.

Kaya naman suportado rin ni Quimbo ang pagpapatupad ng granular lockdown sa high risk areas o mga lugar lamang na may mataas na kaso ng COVID-19.


Naniniwala si Quimbo na ang nasabing approach ang tutugon para sa kaligtasan ng mamamayan laban sa COVID-19 gayundin sa problemang pinansyal ng mga Pilipino ngayong pandemya.

Tinukoy ng lady solon na sa kabila ng pagtaas ng presyo ng bilihin ay nananatili pa ring sarado ang ekonomiya.

Nababahala si Quimbo na hindi na magiging sapat ang pagkain ng mga mamamayang apektado lalong-lalo na ang anim na milyong manggagawa sa National Capital Region (NCR) na “no work, no pay”.

Iginiit pa ng mambabatas na gawing “surgical approach” ang pamamaraan kung saan pili lamang ang mga lugar na naka-lockdown habang sa ibang lugar ay pinapayagan namang maghanap buhay at magbukas ang mga negosyo upang hindi matagal na panahon na nakatukod lamang ang ekonomiya ng bansa.

Facebook Comments