Nagbabala si Deputy Speaker Bernadette Herrera sa mga otoridad sa posibleng paglipana ng pekeng COVID-19 vaccines sa gitna ng limitadong suplay ng bakuna.
Giit ng kongresista, kadalasan na sinasamantala ng mga namemeke ng produkto kapag may kakulangan sa supply.
Ipinaalala rin ni Herrera sa publiko na ang mga counterfeit COVID-19 vaccines ay delikado sa kalusugan at hindi makapagbibigay ng proteksyon laban sa virus.
Sinabi rin ng lady solon na tungkulin ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at huwag mabiktima ang mga ito ng pekeng bakuna.
Umapela naman si Herrera sa Department of Health (DOH) at sa Food and Drug Administration (FDA) na sikaping makakukuha ng abot-kaya, ligtas at epektibong COVID-19 vaccines ang mga Pilipino.
Dapat din aniyang masunod ang guidelines kung saang mga lugar at aling sektor ang dapat mauna sa mabibigyan ng bakuna.